MAY isang lalaki na nakalimutan nang mag-asawa dahil sa sobrang sipag sa pagtatrabaho. Wala siyang sinayang na oras upang mapaunlad niya ang kanyang maliit na pagawaan ng sapatos.
Nagbunga naman ang kanyang pagsisikap dahil nang magtagal, isa na siya sa nangungunang supplier ng mga sapatos sa malalaking department stores. Maaari na siyang matawag na milyonaryo.
Dugo at pawis, wika nga, ang naging puhunan niya kaya kuripot ang milyonaryong ito. Ni hindi siya mahingan ng donasyon para sa mga charitable institutions. Katwiran niya’y nariyan ang gobyerno, bakit hindi sila roon humingi.
Kailangan pang takutin siya ng kanyang mga empleyado na mag-i-strike para lang pumayag na dagdagan ang kanilang karampot na suweldo. Oo nga at napapayag siya na dagdagan ang suweldo ng mga empleyado pero, sus, karampot lang. Marami ang nainis sa milyonaryong ito at hindi iyon lingid sa kanyang kaalaman.
Minsa’y naidaing niya sa kaibigan ang mga bagay na ito, “Marami ang nagagalit sa akin. Maramot daw ako. Hindi ba nila nalalaman na kapag ako’y namatay na ay sa iba’t ibang charitable institutions ko ipamamana ang lahat ng aking kayamanan?”
Sa halip na sagutin ang milyonaryo, nagkuwento ang kaibigan nito:
Minsan tinanong ng baboy ang kaibigang baka: “Bakit mas gusto ka ng mga tao kaysa akin samantalang nakakapagbigay ako sa mga tao ng ham, bacon, crispy pata at lechon.”
Sagot ng baka, “Well, buhay pa kasi ako ay nakakapagbigay na ako sa tao ng gatas. E, ikaw, kailangan pang mamatay upang mapakinabangan.”