Café sa Japan, ipinasara dahil ang isa sa mga waitress ay naglalagay ng kanyang dugo sa mga inumin!

ISANG café sa Sapporo, ang sinisante ang isa sa kanilang waitress dahil nahuli nila itong naghahalo ng kanyang dugo sa mga cocktail drinks!

Naglabas ng pahayag sa Twitter ang Mondaiji Con Café Daku na pansamantala silang magsasara matapos matuklasan ng may-ari nito na ang isa sa popular na cocktail drink sa kanilang menu na “Orikaku” ay hinahaluan ng dugo ng kanilang waitress.

Ayon sa official twitter account ng Mondaiji, mi­nabuti nilang isara muna ang kanilang business upang sumailalim sa sanitization ang buong café, palitan lahat ng baso at utensils at itapon ang lahat ng alcoholic drinks na maaaring na-contaminate ng dugo.

Bukod sa anunsiyo ng temporary closure, humihingi ang may-ari ng café ng paumanhin sa lahat ng kanilang customers.

Naging kilala ang Mondaiji café sa Susukino district sa Sapporo dahil sa all-you-can-drink promo nila sa halagang 2500 Yen.

Matapos kumalat ang tungkol sa paghahalo ng dugo sa mga inumin sa Mondaiji café, nagbigay ng paalala ang isang doktor at journalist sa Japan na si Dr. Zento Kitao sa lahat ng naging customer ng nasabing café ay magpatingin sa doktor at sumailalim sa blood test.

 

Show comments