Wheelchair (163)

HINDI makapaniwala si Jong sa bilis ng mga pangyayari na naging mabilis ang proseso sa pagtungo niya sa Canada. At iyon ay dahil sa matiyagang pag-follow-up ni Pam. Nakonsensiya si Jong sapagkat hinusgahan agad niya ang kasintahan na kinalimutan na siya pero ang totoo, abala pala ito sa pag-follow-up ng papeles para sa pagtungo sa Canada.

Makalipas lamang ang isang linggo, may maganda nang balita: makakalipad na siya sa Canada. Kaila­ngan na niyang ihanda ang mga kailangan sa pag-alis. Tinawagan siya ni Pam. Tuwang-tuwa ang kasintahan.

“Ihanda mo na ang mga gamit mo, Jong at malapit ka nang dumating dito. Magkikita na rin tayo pagkaraan ng ilang taon.’’

“Hindi ako makapaniwala, Pam—sobrang bilis. Parang kailan lang tayo nagkausap e ito at naghahanda na ako sa paglipad.’’

“Sabi ko nga sa’yo, mabilis na ang proseso ngayon, hindi tulad nun.’’

“Bilib na talaga ako sa’yo, Pam. Napakahusay mo.’’

“Hindi ka na nagdududa?’’

“Hindi na.’’

“Hindi ka na nawawalan ng pag-asa?’’’

“Hindi na siyempre.’’

“Mahal mo talaga ako?’’

“Oo naman.’’

“Okey. Hintayin kita rito.’’

“Miss na kita Pam.’’

“Miss you too.’’

ARAW nang pag-alis ni Jong. Niyakap niya nang mahigpit ang kanyang inay at si Tito Mon. Pinagbilinan niya si Enod na mag-aral ng mabuti.

“Huwag mong pababayaan ang pag-aaral. Magiging lawyer ka someday.’’

“Opo Kuya Jong. Mag-aaral akong mabuti.’’

“Babay na sa inyo.’’

(Itutuloy)

Show comments