Wheelchair (160)

NAKAHANDA na ang mga papeles at mahahalagang dokumento ni Jong—passport, NBI at police clearance at iba pa—pero wala pa ring instructions sa kanya si Pam sa pag-aaplay sa Canada. Sa huling pag-uusap nila, basta sinabi nitong ihanda ang mga mga papeles. Maliban dun ay wala na itong sinabing iba pa.

Naghintay si Jong. Naniniwala siya sa mga sinabi ni Pam na makakarating siya sa Canada at magkakasama sila roon.

Sa pagkukuwento ni Pam, sa isang ospital ito nagta­trabaho bilang nursing aide. Malaki ang suweldo—halos triple ng sinusuweldo noong nagtatrabaho pa sa Pinas. Sabi ni Pam, ganundin daw ang susuwelduhin niya kapag nasa Canada na.

Pero bakit kaya ang tagal bago siya makapag-aplay? May problema kaya? Baka may problema si Pam at ayaw lang sabihin.

Maski sa oras ng trabaho ay ‘yun ang naiisip ni Jong. Hindi kaya nagbabago na si Pam? Baka may nakilala na itong ibang lalaki sa ospital na pinagtatrabahuhan at luma­lamig na ang pagtingin sa kanya. Sabagay, wala naman siyang magagawa kung ganun ang mangyari. Tatanggapin niya. Kaya lang, nangako sa kanya si Pam bago ito umalis na hindi siya magbabago.

Sana ay mali ang naiisip niya kay Pam.

Napansin pala ni Tito Mon ang pagiging malulungkutin ni Jong.

“Mukhang malungkot ka Jong. May problema ba?’’

“Wala Tito.’’

“Kilala kita Jong. Ano ang problema mo?’’

(Itutuloy)

Show comments