‘Kalbaryo’ sa ­taas-­presyo, sasalubong sa mga bakasyunista

Kung paano noong nakalipas na linggo exodus ang mga biyahero na lumabas ng Metro Manila, ngayon asahan naman ang bulto nang magsisibalik sa metropolis.

Siyempre balik-pasok na uli bukas kaya naman magmamadalian na uli ng biyahe ang marami nating kababayan matapos ang mahaba-habang bakasyon.

Kung nitong nakalipas na araw nasumpungan na malinis ang mga pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila, ngayon asahan na ang muling pagdidilim niyan sa mga magsisiksikang sasakyan.

Pero, ayan nga at may nagbabadyang ‘bad news’ na sasalubong sa mga motorista matapos ang mahabang panahon ng pagbabakasyon.

May big-time oil price hike na inaasahan bukas sa mismong pagsisimula ng trabaho at pasok sa mga eskuwela.

Sa tantiya ng mga kompanya ng langis na iaanunsyo sa araw na ito, inaasahang magtataas ang presyo ng gasolina ng mula P2.50 hanggang P2.80 sa kada litro.

Sa diesel naman ay posibleng umabot sa P1.50 hanggang P1.80 kada litro at ang kerosene ay mula P1.80 hanggang P2.10 kada litro.

Una nang aaray dyan ang mga nasa pampublikong sasakyan na patuloy nga na humihirit ng taas-pasahe dahil sa wala na umano silang kinikita dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Hindi pa dyan matatapos, may domino effect yan na ang kasunod ay ang pagtaas naman sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Baka ang inaasahang tuluyang pagbaba o pagbagal ng inflation eh hindi makamit kapag ganito ka-big-time ang pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Kaya nga huimanda na dahil matapos ang ilang araw na ‘pasarap’ sa mahabang bakasyon, eh mukhang kalbaryo ang kakaharapin sa mga susunod na araw dahil sa mahal na presyo ng petrolyo at mahal na presyo ng bilihin.

Show comments