Babae, inaresto nang magpanggap na tinedyer dahil nami-miss na niya ang pagiging high school student!

ISANG 29-anyos na babae sa U.S. ang nahaharap sa pagkakakulong matapos niyang pekein ang kanyang birth certificate para magpanggap na teenager at pumasok muli sa high school!

Taon 2010, nag-migrate sa U.S. ang noo’y 16-anyos na si Hyejeong Shin mula South Korea para mag-aral sa isang prestihiyosong boarding school. Natapos niya ang high school noong 2013 at noong 2017 ay nakapagtapos siya ng kolehiyo sa Rutgers University.

Ngayong 2023, pineke ni Shin ang kanyang birth certificate para maging 16 years old muli at makapag-aral sa New Brunswick High School sa New Jersey.

Matagumpay na nakapag-enroll si Shin ngunit matapos ang apat na araw na pagpapanggap, nabisto ng school officials ang mga peke niyang dokumento at agad siyang pinadampot sa mga pulis.

Kinasuhan ng New Brunswick High School si Shin ng falsification of government document. Kapag napatuna­yang guilty sa korte, maaaring makulong ng limang taon si Shin.

Ayon sa lawyer ni Shin na si Darren Gelber, walang masamang intensiyon ang kanyang kliyente at nami-miss lamang nito ang masasayang araw noong ito’y high school student pa lamang.

Naging masaya ang mga karanasan ni Shin noong nag-aaral siya sa boarding school at gusto niya lamang balikan ito. May pinagdadaanang depression si Shin dahil kakatapos lang nitong makipag-divorce sa asawa at wala siyang karamay sa kalungkutan dahil nasa South Korea lahat ng kanyang malapit na kamag-anak.

Dagdag pa ng abogado, babalik na lamang si Shin sa South Korea kapag naabswelto sa kaso.

Show comments