ISANG ama sa Shenzhen, China ang binabatikos ngayon ng Chinese netizens matapos nitong i-post sa social media ang video ng pagpaparusa niya sa kanyang anak na nahuli niyang nagpupuyat sa paglalaro ng mobile games.
Makikita sa video na nahuli ng hindi pinangalanang ama ang kanyang anak na gising pa ng 1:00 a.m. at naglalaro ng mobile games. May pasok pa sa umaga ang kanyang anak sa school pero bilang parusa, sinabihan niya ito na umabsent muna at maglaro na lang ng mobile games buong araw.
Nagustuhan ng bata ang binigay na parusa sa kanya ngunit pagsapit ng alas siyete ng umaga, nakaramdam na ito ng pagkaantok. Nang matutulog na ang bata, pinigilan siya ng kanyang ama at pinagpatuloy ang paglalaro ng games. Umabsent na rin ang ama sa kanyang trabaho para tutukan ang paglalaro ng anak.
Umabot hanggang 6:30 p.m. ang paglalaro ng bata pero hindi na nito nakayanan ang mahigit 17 hours na paglalaro kaya nagmakaawa na itong pagpahingahin na siya at nangako na lilimitahan na niya ang mobile games.
Gumawa ng kontrobersiya ang kuwentong ito sa Chinese netizens at marami sa mga nakapanood nito ang nagbantang ire-report ang ama sa mga kinauukulan dahil sa tingin nila ay isa itong child abuse.
Sa kasalukuyan, binura na ang video at nagbigay ng pahayag ang ama na hindi niya nirerekomenda sa ibang magulang ang ginawa niyang pagdidisiplina sa anak.