HINDI makapaniwala ang isang ginang sa England nang makita niya sa isang commercial ang kanyang asawa na namatay noong 2014!
Pinag-uusapan ngayon ng netizens ang restaurant na Spice Cottage sa Sussex, England dahil sa video advertisement na nilabas sa kanilang Facebook page.
Mapapanood sa maik-ling ad ang restaurant ng Spice Cottage na puno ng mga customers habang inihahain ng mga waiter at service staff ang mga order na pagkain sa bawat table. Walang kakaiba sa nasabing commercial ngunit nang mapanood ito ng 59-anyos na ginang na si Lucy Watson, hindi siya makapaniwala na isa sa customers sa video ay ang asawa niyang si Harry na namatay siyam na taon na ang nakararaan.
Nag-iwan ng comment si Watson noong Enero 16, 2023 na nagtatanong kung gaano na katagal kinunan ang advertisement dahil taong 2014 pa namatay ang kanyang asawa na nasa video. Agad sumagot ang Spice Cottage FB page at sinabing noong Enero 13, 2023 lang nila kinunan ang video. Nag-viral ang comment ni Watson at maraming naghaka-haka na baka may multo sa restaurant. Pero pinabulaanan ito ng Spice Cottage restaurant at sinabi na personal na kakilala nila ang sinasabing “multo” sa video.
Nito lamang Enero 30, ipinost sa FB page ng Spice Cottage restaurant ang litrato ni Alan Harding, ang pinaghinalaang multo sa video. Si Alan ay isa sa maraming suki ng restaurant dahil paborito nito ang binebentang curry dito.