Dear Attorney,
May litrato po ako na kuha ko sa ibang bansa na in-upload ko sa Facebook. Nitong isang linggo ay nagulat na lang po ako ng makita ko itong ginamit ng isang Facebook page na para sa isang business na wala man lang paalam sa akin o pagbibigay ng credit na ako ang kumuha ng picture. Bawal po ba sa batas ang ginawa nila at may maari po ba akong ikaso? —Mark
Dear Mark,
Maaring copyright infringement ang ginawang paggamit sa iyong litrato ng walang pahintulot mo. Upang maging malinaw kung ano ang copyright infringement, mas mainam na malaman muna kung ano ba ang copyright. Ang copyright ay ang mga karapatan na iginagawad ng batas sa may likha ng mga artistic at literary works o iyong mga gawa na may kinalaman sa sining o pagsusulat. Kabilang dito ang photographic works na katulad ng iyong litrato na ini-upload mo sa Facebook.
Dahil ikaw ang kumuha ng litrato, ikaw ang masasabing lumikha nito kaya may mga karapatan ka sa ilalim ng batas. Kabilang na rito ang eksklusibong karapatan sa pag-reproduce o sa pag-kopya ng nasabing litrato at ang mabigyan ng maayos na attribution o pagkilala bilang siyang kumuha ng litrato sa pamamagitan ng prominenteng pagdi-display ng pangalan mo. Importante ang mga nabanggit lalo na ang karapatan para sa maayos na attribution o pagkilala lalo na’t usong-uso sa Facebook ngayon ang pagta-type ng “ctto” o “credit to the owner” kapag nangongopya ng post ng iba. Hindi sapat ang pagpo-post ng “ctto” para masabing mayroong sapat na pagkilala sa orihinal na may gawa.
Kaya nang kinopya ng ibang tao ang litrato mo at in-upload sa kanilang sariling Facebook account ng walang pahintulot at kaukulang pagkilala sa iyo bilang may-ari nito ay masasabing may copyright infringement, na siyang tawag sa paglabag sa mga karapatan na nabanggit ko. Ano ang magagawa ng isang katulad mo na nilabag ang kanyang copyright? Maari kang magsampa ng kasong administratibo sa Intellectual Property Office. Puwede ka ring magsampa ng civil at criminal case sa korte laban sa mga gumamit ng litrato mo ng walang pahintulot.
Mahalagang malaman na ang copyright infringement ay may kaakibat na parusang pagkakabilanggo ng isa hanggang tatlong taon at multa mula P50,000 hanggang P150,000 para sa unang offense. Kailangang tandaan iyan lalo na ng mga mahilig mag-post sa Facebook ng gawa ng iba ng walang kaukulang pahintulot, dahil maari silang maipakulong ng may-ari ng copyright.