PATULOY ang operasyon ng online sabong at marami na namang nasisirang buhay. Marami ang nababaon sa utang at ang iba, nagagawang magnakaw para lamang maitustos sa kanyang kinahumalingang e-sabong. At ang kasalukuyang pamahalaan ay malambot sa muling paglaganap ng e-sabong. Bakit pinahihintulutan ang operasyon sa kabila na ipinahinto na ito noong nakaraang Mayo?
Noong Mayo 3, 2022, ipinag-utos ni dating President Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa online sabong o e-sabong. Ipinag-utos niya sa DILG na itigil ito dahil hindi na maganda ang kanyang naririnig dito. Marami umanong nalalabag na values ang e-sabong at hindi siya makapapayag sa nangyayari.
Maraming natuwa sa pasya ni Duterte. Sa pagpapahinto ng e-sabong, maiiwasan na ang pagkasira ng buhay at pagkaadik sa sugal. Dami nang winasak ang e-sabong mula nang mauso noong 2021. May pulis na nagnakaw para mabayaran ang malaking pagkakautang sa e-sabong. May isa na nagbenta ng sanggol sa halagang P45,000 para mabayaran ang utang sa e-sabong. Mayroong OFW na naipatalo ang kanyang separation pay at umuwing mahirap pa sa daga. May trabahador na sa labis na depression sa pagkatalo sa e-sabong ay nagpakamatay. Maraming karaniwang manggagawa na ang kahit pambili nila ng bigas para sa kanyang pamilya ay itinataya sa e-sabong at naipatalo. Madali lang makapaglaro sa e-sabong gamit ang cell phone.
Sinabi noon ni Duterte na napakalaki ng buwis na nanggagaling sa e-sabong—P640 million bawat buwan. Kailangan umano ng bansa ang pondo mula sa e-sabong kaya hindi niya ito maaaring maipahinto. Huwag na lang daw itong pansinin, sabi pa niya.
Pero biglang nagbago ang pasya ni Duterte dahil nakita ang malaking impact sa buhay ng mga naaadik dito. Isinantabi ang malaking buwis na nakukuha sa e-sabong.
Pero ngayon ay ano itong nangyayari na laganap na naman ang e-sabong at tila hinahayaan nang mamayagpag. Bumabalik na naman sa dati na nasisira ang buhay nang marami dahil sa pagkagumon dito. Kung nagawa ni Duterte na ipahinto ito, dapat ganito rin ang gawin ng kasalukuyang administrasyon. Atasan ang DILG na ipatigil ang e-sabong at kasuhan ang mga “malalaking tao” na nasa likod nito. Huwag nang hayaang dumami pa ang masisirang buhay at kinabukasan. Tama na ang sugal sa bansang ito.