NOONG 1998, sa Colorado USA, isang apat na taong gulang na batang nagngangalang Luke Burgie ang anim na buwan nang maysakit. Paulit-ulit siyang nagtatae. Gagaling lang sandali pero babalik na naman ang pagtatae nito.
Lahat ng klase ng diet ay ipinasubok sa bata. Iba’t ibang laboratory tests ang ginawa ngunit bigo pa rin ang mga doktor na matuklasan ang pinanggagalingan ng pagtatae ng bata. Nagsususpetsa ang mga doktor na may cancer ito.
Sa sobrang kadesperaduhan ng ina na mapagaling ang anak, pinuntahan niya ang kumbento ng mga madreng Katoliko. Humingi siya ng tulong sa mga ito na ipagdasal ang paggaling ng kanyang anak.
Nagsagawa ng siyam na araw na nobena ang mga madre. Ang founder ng kongregasyon ay si Mother Theresita Bonzel, isang German nun na namatay 100 taon na ang nakararaan.
Ang proseso ng pagdadasal ng mga madre, bukod sa paghingi ng awa sa Diyos, tinatawagan din nila ang kaluluwa ni Mother Theresita upang tulungan silang magdasal para sa kagalingan ni Luke.
Pagkaraan ng siyam na araw na pagdarasal, ang batang si Luke na halos gulapay na sa sobrang panghihina ay biglang tumayo at sinabi sa kanyang ina na hindi na masakit ang kanyang tiyan. Hindi na bumalik ang sakit ni Luke kahit kailan.
Ang Vatican ay hindi basta-basta nagdedeklara na milagro ang isang pangyayari. Naglalaan sila nang mahabang panahon ng pag-iimbestiga upang mapatunayan na ang isang milagrong nangyari ay totoo.
Pagkaraaan ng 14 na taon, inilabas ng Vatican ang kanilang verdict tungkol sa mahiwagang paggaling ng batang lalaki mula sa kanyang gastrointestinal condition. Ang hatol ng Vatican: Ang pangyayari ay isang milagro.