Dapat bang bayaran ang right of way?

Dear Attorney,

May binili po akong lupa ngunit napapaligiran po ito ng mga lote na iba ang nagmamay-ari kaya wala itong sapat na daan para sa mga sasakyan. Maari ko bang pilitin ang mga nakapaligid na lote sa akin na bigyan ako ng daan? Kailangan ko rin po ba silang bayaran para sa right of way na ibibigay nila upang magkaroon ako ng access sa highway? — Jonnie

Dear Jonnie,

Oo, maari mong pilitin ang mga katabing lote na magbigay ng sapat na daan para sa property mo.

Upang magkaroon ng karapatan ang isang property na magkaroon ng right of way, nakasaad sa Civil Code na kailangang lubos na napapaligiran ang nasabing ari-arian ng iba pang mga properties kaya wala nang madadaanan papunta sa highway.

Kailangan din na hindi ang may-ari ang may dahilan kung bakit lubos na napaligiran ang kanyang lupa. Hindi maaring humingi ng right of way kung halimbawa ay dati namang sa may-ari ang isa sa mga nakapaligid ngunit ibinenta niya ito sa iba kaya wala na siyang madaanan palabas. Kailangan din na ang lupang magiging right of way ay ang pinakamaikling daan papunta sa highway.

Bukod sa lahat, kailangang mabayaran ng daños ang mga lote na mababawasan upang mabuo ang ginawang right of way. Kaya oo, kailangan mong bayaran ang mga may-ari ng mga nakapaligid na lote sa iyo bilang kapalit sa mababawas na lupa sa property nila.

Tandaan lang na kung sakaling maisipan mo nang magsampa ng kaso para sa right of way ay kailangan mo muna itong idulog sa barangay upang kayo ay magkausap muna ng mga property owners na maapektuhan. Kung hindi ka dadaan sa barangay ay maaring ibasura kaagad ng husgado ang petisyong isasampa mo.

Show comments