Sinsilyo

MAPAMAHIIN ang ilang Amerikano noong unang panahon. Nilalagyan nila ng sinsilyo/barya ang bibig ng patay bago ilibing. Ang barya raw ang magiging pambayad nila kay Charon. Si Charon ay ang tagasundo o bangkero na magtatawid sa kanila patungo sa kabilang buhay. Kung wala kang pamasahe, hindi ka maitatawid ni Charon kaya ang espiritu ay mananatiling nasa limbo.

Ang paniwalang ito ay nagmula sa mga Greeks ngunit pinaniniwalaan ng mga Africans, Americans at Thai Buddhists. Si Abraham Lincoln ay pinabaunan din ng barya noong inilibing ngunit hindi sa bibig inilagay kundi ipinatong sa dalawang mata.

Sa isang sementeryo sa Pennsylvania, may isang sepulturero na sugarol kaya pati ang ­baryang nasa bibig ng mga patay ay ninanakaw niya. Noong araw, kapag mayaman ang namatay, baryang yari sa ginto ang isinusubo sa bibig ng patay. Kadalasan ay sa gabi pagkaraang ilibing, ninanakawan ng sepulturero ang mga patay sapagkat malambot pa ang sementong inilagay sa nitso.

Kapag naiinip, kinukuha ng sepulturero ang kanyang wooden box mula sa sekreto niyang taguan sa ilalim ng sahig na kahoy ng bahay nila. Tuwang-tuwa niyang bibilangin ang mga silver at gintong barya na nasa kahon. Noong araw, gawa sa silver at gold ang coins na ginagawa sa U.S. Maraming matatanda ang nagtago ng coins na iyon bilang souvenir. Ang antigong souvenir coins na iyon ang madalas ilagay ng mga naulila sa bibig ng pumanaw nilang mahal sa buhay.

Habang nagbibilang, biglang inubo ang sepulturero. Walang tigil ang kanyang pag-ubo. Parang may kung anong humarang sa kanyang lalamunan kaya hindi siya makahinga. Dinukot niya ang kanyang lalamunan ngunit wala siyang makapa. Tuluyan nang kinulang sa hangin ang sepulturero at siya ay namatay.

Ang asawa ng sepulturero ay dumating sa bahay kinaumagahan mula sa pagtatrabaho sa bar. Naabutan niyang nakabulagta ang asawa habang nakadilat ang mata. Nandiri siya sa nakitang laman ng wooden box na kanina ay pinaglalagyan ng gold at silver coins. Nawala ang coins at  matatabang uod na lang ang laman ng box. Nagulat ang mga nag-awtopsiya ng bangkay. Ilang barya ang nakitang nakaharang sa lalamunan ng sepulturero na naging sanhi ng kamatayan nito.

Show comments