Ginger (185)

NAPANSIN ni Anton ang hawak na bato ng rebulto ni Tatang Nado. Parang bago ang bato na hawak nito. Sa pagkakatanda niya, ang dating hawak nitong bato ay nilulumot na dahil matagal nang nakalantad sa ulan at araw. Pero ang hawak na bato ngayon ay bagumbago at halatang bagong pulot sa kung saan. Kapansin-pansin ang bato.

‘‘Napansin mo ba Ginger ang hawak na bato ng rebulto ni Tatang Nado?’’

Pinagmasdan ni Ginger.

‘‘Parang bago, Anton.’’

‘‘Talagang bago ito, Ginger. Malayung-malayo sa dating bato na hawak ng rebulto.’’

Hanggang sa may maalala si Ginger.

‘‘Oo nga Anton. Bago nga ang bato at alam ko na kung saan ko nakita ang batong yan. Ganyang-ganyan ang mga bato sa balon!’’

Hindi makapaniwala si Anton sa sinabi ni Ginger.

‘‘Nakita mo sa balon Ginger?’’

‘‘Oo, Anton. Halika at tingnan natin ang balon.’’

Tinungo nila ang balon sa di-kalayuan.

Nang tingnan ni Anton, nakita niya ang maraming bato na katulad na katulad ng hawak ng rebulto ni Tatang Nado.

‘‘Iisa nga ang bato na hawak ni Tatang Nado at mga bato rito. Dito nanggaling ang mga bato, Ginger. Dito kumuha si Tatang Nado at saka pinaulan sa mga lalaking nagtangkang gumahasa sa’yo. Niligtas ka ni Tatang Nado.’’

‘‘Oo, Anton. Hindi ako pinabayaan ni Tatang Nado!’’

Binalikan nila ang rebulto ni Tatang Nado. Masuyong hinawakan ni Anton ang katawan ng rebulto at lihim na nagpasalamat.

(Itutuloy)

Show comments