Iningatang sulat kamay ng astronomer na si Galileo Galilei, natuklasang peke!

SA loob ng halos isang siglo, iningatan ng University of Michigan ang akala nila ay mahalagang dokumento na sulat kamay ng astronomer na si Galileo Galilei. Matapos ang isang internal investigation, natuklasan ng unibersidad na isa lamang pala itong forged document.

Inanunsiyo kamakailan ng University of Michigan sa media na ang pinakaii­ngatan nilang Galileo handwritten manuscript ay gawa lamang ng Italian counterfeiter na nagngangalang Tobia Nicotra. Si Nicotra ay kilalang forger noong 1930s sa Milan, Italy. Bukod sa pamemeke ng Galileo documents, kilala rin ito na gumagawa ng fake autographs ni Christopher Columbus at Mozart.

Nilalaman ng pekeng dokumento ay mga notes o tala ni Galileo tungkol sa imbensiyon niyang telescope bago niya ito iprisinta sa Duke of Venice noong 1609.

Napasakamay ng University of Michigan ang pekeng dokumento matapos itong i-donate ng isang mayamang kolektor ng mga antigong libro at dokumento noong 1938.

Nagsimulang kuwestiyunin ang authenticity ng manuscript noong Mayo 2022 sa tulong ng history professor na si Nick Wilding. Nagsasagawa ng research si Wilding tungkol kay Nicotra nang mapansin niya na may pagkakaparehas ang mga forged documents ni Nicotra sa Galileo manuscript na pagmamay-ari ng University of Michigan.

Nang ipaalam ni Wilding ang kanyang hinala sa unibersidad, agad nagsagawa ng internal investigation at nakumpirma nila na peke nga ang manuscript.

Napatunayan na peke ang manuscript sa tulong ng mga eksperto, na-trace na gawa lamang noong 18th century ang papel na ginamit, samantalang 17th century namatay si Galileo Galilei.

Sa kasalukuyan, pinag-iisipan ng University of Michigan kung paano ipiprisinta sa mga estudyante at publiko ang fake document. Naisip kasi nila na magandang pag-aralan ito ng mga gustong magsaliksik tungkol sa forgery, hoaxes at fakes.

Show comments