ISANG ordinaryong Chinese vase ang ipinasubasta ng French auction house na Osenat, ang naibenta sa halagang $9 million.
Nagkakahalaga lamang ng $2,000 ang vase kaya mahigit 4,000 times ang itinaas ng halaga nito sa orihinal nitong presyo! Tinawag na “Tianqiuping” ang vase na ang ibig sabihin ay “Celestial Sphere Vase”.
Naganap ang bidding ng vase noong Oktubre 1, sa Fountainebleau malapit sa Paris. Mahigit 30 bidders ang lumahok sa subastahan at ang naging final purchase price kalakip na ang seller’s fee ay umabot sa $9 million.
Sa panayam sa spokesperson ng Osenat, karamihan sa mga bidders ay mula sa China. Kumbinsido ang bidders na isang rare 18th century artifact ang vase. Ito ay kahit pa maliwanag sa website ng Osenat na ang vase ay pangkaraniwang porcelain-and-enamel na ginawa nito lamang nakaraang 20th century.
Ayon sa president ng Osenat auction house, lahat sila ay nagulat sa interes na ipinakita ng Chinese bidders sa pangkaraniwang vase. Ilang in-house expert na nila ang tumingin sa vase na ito at lahat ng mga ito ay naniniwalang bago at hindi antigo ang vase.
Dagdag pa niya, masaya siya para sa orihinal na nagmamay-ari ng vase dahil napakalaking pera ang matatanggap nito.
Sa kasalukuyan, isang misteryo pa rin kung bakit pinag-agawan ng 30 bidders mula China ang “pangkaraniwang” vase.