Lalaki na nawalan ng hikaw sa ilong, natagpuan sa kanyang lungs!

ISANG 35-anyos na lalaki ang hindi makapaniwala nang malaman na ang ma­tagal na niyang hinahanap na nose piercing ay nasa kanyang lungs!

Kamakailan lamang, inatake nang matinding pag-ubo ang piercing enthusiast na si Joey Lykins ng Cincinnati, U.S. Hindi pangkaraniwang ubo ang kanyang naranasan dahil tila may bumabara sa kanyang paghinga. Sa sobrang tindi ng pag-ubo, nanakit na ang kanyang likuran.

Ang unang inakala ni Lykins, mayroon siyang pneu­monia kaya agad siyang nagpatingin sa doktor. Sumailalim siya sa x-ray at doon nakita ng doktor na may foreign object sa upper lobe ng kanyang kaliwang baga.

Nang ipinakita kay Lykins ang xray scan, sa isang tingin pa lamang ay alam na niya kung ano ang foreign object na ito. Ito ay ang kanyang nose piercing o hikaw sa ilong na naiwala niya limang taon na ang nakararaan!

Ayon kay Lykins, nagising na lang siya na nawalang parang bula ang kanyang hikaw sa ilong. Apat na taon na niyang suot ito at nagtaka siya kung bakit ito nawala. Hindi niya ito masyadong ikinabahala dahil naisip niya na baka nalunok niya ito at idudumi rin niya ka­launan. Nakalimutan na niya ang tungkol dito at bumili na lang ng bagong nose piercing.

Sa kabutihang palad, nabalot ng scar tissue ang hikaw habang nasa loob ng lungs. Dahil dito, wala itong nadulot na damage sa kanyang kaliwang baga. Matapos ma-iden­tify ng mga doktor na ang foreign object ay isang hikaw, isinailalim siya sa bronchoscopy upang ma-retrieve ito.

Naging matagumpay ang operasyon at balak ipa-frame ni Lykins ang hikaw bilang remembrance.

Show comments