Negosyong bankrupt, kailangan bang magbayad ng separation pay?

Dear Attorney,

Kapag nag-file na po ba ng bankruptcy ang kompanya sa DOLE ay wala nang matatanggap na separation pay ang mga empleyado? —Joji

Dear Joji,

Ang closure of business o ang pagsasara ng negosyo ang isa sa mga tinatawag na “authorized causes” o mga pinahihintulutang dahilan para sa pagtatanggal ng empleyado sa ilalim ng Labor Code.

Bagama’t kailangang bayaran ng separation pay ang mga empleyado kung magsasara na ang negosyo, hindi ito kailangang gawin ng employer kung ang pagsasara ay dahil sa pagkalugi (Reahs Corporation, et. al. vs. National Labor Relations Commission, et. al, G.R. No. 117473, 15 April 1997).

Gayunman, pasan ng employer ang pagpapatunay na tunay ngang nalulugi ang negosyo na dahilan nang tuluyang pagsasara nito.

Bukod dito, kailangan ding ipaalam ng employer sa DOLE ang napipintong pagsasara ng negosyo isang buwan bago ang mismong petsa ng pagsasara.

Kaya kung magsasara na nga ang kompanya n’yo dahil sa bankruptcy at kayo nga ay matatanggal na sa trababo, mahalaga pa rin ang pagsunod ng employer n’yo sa mga nabanggit na requirements at proseso dahil maari pa ring pagmulan ng kasong illegal dismissal ang hindi pagsunod sa mga ito.

Show comments