ANG pamilya ni John Smith, ang kanyang misis at si Daniel na anak nila ay mga trabahador sa isang taniman ng bulak sa South Carolina. Amo nila si Lanz O’Donnel na ubod ng sungit. Nagagalit ito kapag may nakitang nagkalat na bulak. Kailangang damputin ang bawat pirasong aksidenteng nalaglag mula sa puno.
Noong araw, wala pang mechanical device para pitasin ang bunga ng bulak. Lahat ay dinadaan sa manwal. Kapag nahuli ng amo na may mga piraso ng bulak na hindi dinampot sa lupa ng mga trabahador, ang taong naka-assign sa area ay makakatikim ng hagupit ng latigo.
Palibhasa’y matanda na si John, minsan ay nakaligtaan nitong damputin ang mga nalaglag na bulak sa lupa. Nagkataon na nag-iinspeksiyon sa lugar ang masungit na amo. Upang iligtas ang ama sa latay ng latigo, si Daniel ang umako ng kasalanan. Halos madurog ang puso ni Mrs. Smith nang umuwing pulos latay ng latigo ang likod ng anak. Maraming beses na silang nakatikim ng kalupitan ni Lanz kaya may nabuong plano sa isipan ni Mrs. Smith. Sa isip niya, kailangang si Lanz naman ang makatikim ng parusa.
Minsan, lihim na sinundan ni Mrs. Smith si Lanz. Buong ingat nitong dinampot ang lupa na tinapakan ng amo o footprints. Nang mapuno na ang banga ng footprints, dinala niya sa kanilang bahay. Bago pa nakaipon ng footprints, nanghuli na ng palaka si Mrs. Smith. Inilagay niya ang palaka sa banga na kinalalagyan ng footprints ng amo. Pagkatapos, may inusal siyang Latin na orasyon at saka tinakpan ang banga.
Isang umaga, kumalat ang balita na namatay na raw si Lanz. Natulog lang daw ito at hindi na nagising. Lihim na binuksan ni Mrs. Smith ang banga na may palaka. Isa nang matigas na bangkay ang palaka. Napangiti siya. Wala nang mang-aapi sa kanila. Batid niya na kapag namatay ang amo nila, ang mabait at kaisa-isang anak ni Lanz ang mamamahala ng taniman ng bulak.