School service handa na rin ba!

TULOY na tuloy na ang pagbubukas ng klase sa darating na Lunes. Wala na ring extension sa enrollment.

Ang mga silid-aralan halos handa na.

Maging ang mga kagamitan para mabigyang proteksyon ang mga mag-aaral laban sa virus ng COVID-19 handa na rin.

Inaasahan na rin ang bulto ng mga sasakyan sa lansangan sa pagsisimula ng klase.

Makikisabayan d’yan ang mga school service, na ito nga ang hindi tiyak kung handa na rin para maghatid-sundo sa mga mag-aaral.

Dapat ngayon pa lamang mainspeksyon at matiyak na ng mga kinauukulan na nasa maayos na kondisyon ang mga ito.

Hindi dapat malagay sa kompromiso ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Nilinaw rin  ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na exempted sa expanded number coding ang mga school service  at pinapayagan din ang 100% seating capacity.

Sa hiling naman na pagtaas ng singil sa service fee, bagama’t nauuwaan ng mga magulang na dumanas din ng matinding dagok ang mga operators ng school service na matagal  natigil dahil sa pandemya, sana rin daw maunawaan din ng mga ito na maging sila ay naapektuhan din ng pandemya.

Giit ng mga magulang na sana eh ‘wag muna silang magtaas sa singil ngayong pasukan.

Ilang mga magulang naman kasi ang talagang igagapang ang pagbabayad ng school service sa kanilang mga anak kaysa isabak ang mga ito sa pagko-commute na mas lalong mahaharap sa banta ng COVID.

Pero kung tutuusin din naman, hindi lang ang magatagl na pagkatigil sa biyahe ang dahilan ng mga operators ng school service , malaki din kasi ang diprensya sa presyo ng petrolyo noon kumpara sa presyo ngayon.

Mas makabubuting magsalubong na lang ang magkabilang panig para matulungan ang isat-isa.

Sa huli ang mahalaga ay matiyak ang proteksyon ng mga –aaral hindi sa lang mga disgrasya sa lansangan kundi sa banta pa rin ng hawaan sa COVID na nananatiling nandyan.

 

Show comments