ISANG babae sa Natternbach, Austria ang nagulantang nang malaman na may laman na 18 buhay na alakdan (scorpions) ang kanyang bagahe matapos manggaling sa Croatia.
Sa panayam sa hindi pinangalanang babae, sinabi nito na kauuwi lamang niya mula sa pagbabakasyon sa Croatia nang makita na may mga alakdan ang kanyang bagahe.
Ayon sa babae, inaalis niya sa pagkakaempake ang kanyang mga damit at iba pang gamit nang makita ang 18 alakdan—isa rito ay napakalaki samantalang ang 17 iba pa ay maliliit..
Dahil hindi alam ng babae ang gagawin sa mga alakdan, humingi ito ng tulong sa Tierhilfe Gusental, isang animal rescue service. Agad rumesponde ang mga ito at kinuha ang mga alakdan.
Dinala ang mga alakdan sa Linz animal shelter habang inaasikaso ang pagpapadala sa kanila pabalik ng Croatia.
Ayon sa Linz animal shelter, ikatlo na ito sa kaso ng alakdan na aksidenteng nadadala sa bagahe mula Croatia. Kaya iminumungkahi nila na bago mag impake ng gamit, siguraduhin na malinis ang luggage at walang naninirahan na hayop o insekto sa loob nito upang maiwasan na magkaroon ng hindi inaasahang “pasahero” sa bagahe.