Dear Attorney,
Ano po ba ang small claims court? Maari po ba akong makulong kapag idinemanda ako doon? May naniningil po kasi sa akin at nagbanta po siya na magsasampa na raw siya sa small claims court kapag hindi pa raw ako nakapagbayad. Maraming salamat. —Melanie
Dear Melanie,
Ang small claims court ay korteng dumidinig sa mga kaso na may kinalaman sa paniningil ng mga halagang hindi hihigit sa P300,000 (P400,000 para sa Metro Manila).
Dinidinig ng small claims court ang mga kaso ng paniningil kabilang na iyong may mga kinalaman sa pagpapautang, sa pagpapaupa, sa mga hindi nabayarang serbisyo at sa mga na-ging bentahan.
Kung mapapansin mo ay wala naman akong kriminal na kasong nabanggit. Ukol lang kasi sa paghahabol ng mga hindi-kalakihang halaga ang mga kasong dinidinig ng small claims court kaya walang pinapataw na parusang pagkakabilanggo ang nasabing korte.
Hindi naman ibig sabihin nito ay maari kang maging kampante kapag ikaw ay sinampahan ng kaso sa small claims court. Mahalaga pa rin na ihanda mo ang mga isasagot mo sa mga paratang sa iyo at na ikaw makadalo sa mga magiging pagdinig dahil kung hindi ay maaaring ipagkaloob ng hukom ang hinihiling ng naghabla, kabilang na ang gastos sa paghahain ng kasong isinampa laban sa iyo.
Kung ito ay mangyari, maaaring agarang magbaba ng utos ang korte kung saan ikaw ay inuutusang bayaran ang sinisingil ng nagdemanda sa iyo at samsamin ang iyong mga ari-arian kung sakaling hindi mo mabayaran ang halagang nakasaad sa desiyon.