Lalaki na may kakaibang kondisyon sa balat, kayang magbalanse ng 10 lata ng softdrinks sa kanyang ulo!

NABAWI ng 47-anyos na si Jamie Keeton ang Guinness World title na “Most Drink Cans Placed On Head’ nang makapagbalanse siya ng mga lata ng softdrinks sa kanyang ulo.

Unang natanggap ni Keeton ang world record noong 2016 nang mabalanse niya sa loob ng limang segundo ang walong lata ng softdrinks. Ngunit noong 2019, may nakatalo sa kanyang record mula sa Japan na kayang magbalanse ng siyam na lata.

Ngayong 2022, sinubukan niyang bawiin ang Guinness world record at nagtagumpay siya rito sa pamamagitan ng pagbalanse ng 10 lata.

Bata pa lamang, napansin na ni Keeton na may kakaibang kondisyon ang kanyang balat na nagiging sanhi para dumikit ang mga bagay dito.

Sa pagsusuri ng mga doktor sa kanyang balat, napag-alaman na ang kanyang skin pores ay may kakayahang humigop ng hangin na maikukumpara sa isang vacuum cleaner.

Ayon kay Keeton, sa sobrang rare ng kanyang skin condition, wala pang naipapangalan ang mga doktor at siyentipiko rito.

Bukod sa Guinness World Record title, marami nang naging pakinabang si Keeton sa kakaiba niyang talent. Dahil sa mala-vacuum cleaner niyang balat, maraming kumukuha sa kanya para du­malo sa iba’t ibang event kung saan binabayaran siya ng $10,000 hanggang $20,000 para ipamalas ang kanyang kakaibang talent sa pagbalanse ng mga bagay sa kanyang ulo.

Show comments