DAHIL nga unti-unti nang bumabalik ang sigla sa deployment ng Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos ang paghupa ng COVID -19 pandemic, eto at nagbubukas at aktibo na naman sa kanilang modus ang sindikato sa human trafficking.
Kaya nga, may agad na babala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko na mag-ingat sa mga nag-aalok ng trabaho sa abroad.
Baka nga imbes na ang hangad na biyaya ang makamit, eh disgrasya ang mapala.
Wala na umanong pinipiling biktimahin ang sindikato dawit sa human trafficking, kahit mga menor de edad ‘tinatalo. Kadalasang binibiktima ng mga ito kababaihan at kadalasang trabaho sa mga bansa sa Gitnang Silangan ang inaalok.
Maging mapanuri dapat ang ating mga kababayan, hindi na naman lingid sa ating kaalaman ang ganitong pangyayari kung saan napahamak na ang marami.
Kaawa-awa ang naging kalagayan ng mga kababayan natin na naging biktima ng human trafficking.
Kadalasang ang ipinapangakong trabaho kakaiba sa kanilang inaasahan pagdating sa bansang kanilang pinuntahan.
Isa ang human trafficking sa nananatiling pangunahing ‘global issue’ na dapat na matutukan ng bawat bansa.
Ayon nga kay BI Commissioner Jaime Morente hindi dapat balewalain ang problemang ito, na nagaganap at talamak hindi lang sa ating bansa kundi sa ibat-ibang panig na ng mundo.
Hindi dapat agad-agad pasilaw sa pangakong malaking sahod ng mga recruiter. Magberipika muna sa mga concern agencies ng pamahalaan kung totoo o legal ba ang mga ito. Lalu na kayong magtaka kung hindi kayo sumasailalim sa pormal na proseso sa pagkuha ng mga dokumento sa pamahalaan.
Mag-ingat na maloko at magpaloko.
Hindi lamang kabuhayan ang pwedeng malanos sakaling mabiktima ng sindikatong ito, baka malagay pa sa panganib ang inyong buhay tulad sa naging karanasan na ng ilan nating kababayan.