INILABAS na sa merkado ng Konekawa Inc. ang kanilang imbensiyon na Pocketoilet, ang tinaguriang ‘‘World’s Smallest Portable Toilet’’!
Ang Pocketoilet ay may sukat na 7 cm x 6.5 cm at kasya ito sa bag, wallet at bulsa.
Noong 2019, nagkaroon ng ideya si Yoshinori Konekawa, ang founder ng Konekawa Inc. na mag-imbento ng portable toilet matapos siya mag-volunteer sa Nagano Prefecture na nasalanta ng bagyong Hagibis. Unang nakita niyang problema ng evacuees ang mahabang pila sa mga portalet.
Sa sobrang haba ng pila, umaabot ng 30 minuto hanggang 1 oras ang itinatagal para lamang makagamit ng toilet.
Kaya noong December 2020, inilunsad ng kanyang kompanya ang Pocketoilet. Ang Pocketoilet ay isang bag na gawa sa special, durable fibers na may laman na coagulant. Maaaring ilagay sa toilet seat o trash can ang bag para madaling masalo nito ang dumi. Ayon kay Yoshinori, hindi aalingasaw ang mabahong amoy ng dumi na nasa bag dahil sa coagulant chemicals nito.
Sa kasalukuyan, nakabenta na ang kanilang kumpanya ng 50,000 Pocketoilets at nakapag-donate na sila ng 6,000 pcs. nito sa Ukraine kung saan kasalukuyang may giyera.