Shabu sa koreo 

TINATAYANG P5.1 milyon halaga ng methamphetamine hydrochloride o “shabu” ang nasamsam habang dalawang claimant ang naaresto matapos ang matagumpay na anti-drug interdiction operation na pinagsama-samang isinagawa ng Bureau of Customs-NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa Central Mail Exchange Center (CMEC) Pasay City, kamakalawa.

Sinabi ni NAIA District Customs Collector Mimel Talusan, bandang 5:45 ng hapon, arestado ang consignee, na isang residente ng Cainta, Rizal, at ang kanyang katropa, residente ng San Juan, matapos tangkaing kunin ang package sa CMEC. 

Ang epektos ay idineklara bilang “Bateria, Musical, Dulces” o Set of Toy Drums na ipinadala mula sa Mexico na dumating noong Mayo 30, 2022.

Ayon kay Talusan, nabuko ang kontrabando ng idaan ito sa x-ray scanning, na nagbunga ng mga kahina-hinalang larawan. Kasunod nito, ang pakete ay sumailalim sa 100% na pisikal na pagsusuri.

Sabi ni Talusan, may 750 gramo ng shabu na nakatago sa laruang drum set.

Ang mga claimant ay kasalukuyang sumasailalim sa custodial investigation para sa tuluyang inquest prosecution para sa paglabag sa RA No. 9165 o kilala bilang Comprehensive ­Dangerous Drugs Act of 2002 in relation to Sections 119 at 1401 in of RA 10863 na kilala rin bilang ­Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Sinabi ni Talusan, bilang buong suporta sa kampanya ni Commissioner Leonardo B. Guerrero laban sa smuggling at sa pakikipagtulungan

kasama ng iba pang ahensiyang nagpapatupad ay nangakong patuloy na bantayan ang hangganan ng bansa laban sa pagpasok ng mga anti-social goods.

• • • • • •

Bohol may international flight ulit                                                                                  

Dumating ang Jeju Air flight 7C4407, yesterday ng 10:30 a.m. sa Bohol-Panglao Airport, ang unang international flight landing sa paliparan mula noong pandemya.
Pinangasiwaan ng CAAP-BPA sa pakikipagtulungan nina Abe Zambrona Gomez, terminal head ng Bureau of Immigration, Janeth Samson, BI supervisor, Carlo John Panila, Sohaile Basher at Faye Pandita at taga - Bureau  Customs, and Quarantine (CIQ) officers ang pagdating ng 167 pasahero mula Incheon, South Korea. 
Ang Jeju Air ay unang lumapag sa BPA noong Nobyembre 21, 2019, bago ang pandemya ay naging sanhi ng paghinto ng mga flight.
Sa kasalukuyan, ang BPA ay tumatanggap ng mga flight mula sa mga airline tulad ng Philippine Airlines (Davao, Manila), Philippines AirAsia (Manila), Cebu Pacific (Davao, Manila), at ngayon, Jeju Air (Incheon-South Korea).
Ang BPA ay internasyonal na paliparan sa Panglao Island sa Bohol. Pinalitan nito ang Tagbilaran Airport noong pinasinayaan ito at binuksan noong Nobyembre 27, 2018 upang suportahan ang tumaas na trapiko ng pasahero sa Bohol dahil sa lumalagong sosyo-ekonomiko at industriya ng turismo. 

Sabi nga, ang paliparan ay tinaguriang kauna-unahang eco-airport sa Philippines my Philippines.

Show comments