KALIMITAN ay hindi sineseryoso kapag nangangati ang ating mga mata. Ngunit may isang naiulat na kaso sa France kung saan ang pangangati ng kanyang mata ay sanhi pala ng mga maggots o uod!
Naglathala ang New England Journal of Medicine ng isang research paper tungkol sa isang 53-anyos na hardinero sa France na dinala sa ER ng isang ospital dahil sa walang tigil na pangangati ng mata. Ayon sa hardinero, nagtatrabaho siya malapit sa isang horse and sheep farm nang biglang humangin nang malakas at may pumasok sa kanyang mata.
Ang akala niya’y simpleng pagkapuwing lamang ito ngunit nang mapansin niya na ilang oras ng walang tigil ang pangangati ng kanyang kanang mata, nagpasugod na siya sa ospital.
Nang tiningnan ng doktor kung ano ang dahilan ng pangangati ng kanyang mata, nakita na may “numerous mobile, translucent larvae” sa cornea at conjunctiva ng kanyang kanang mata. Nang sinuring mabuti ang mata ng hardinero, napag-alaman na ang mga larvae ay “Oestrus ovis” o mas kilala sa tawag na “Sheep bot fly”. Ito ay mga parasite na naninirahan sa loob ng katawan ng mga tupa, kabayo, aso at minsan ay sa mga tao.
Dahil dito, na-diagnose ang hardinero ng external ophthalmomyiasis.
Ayon pa sa research paper, ang tanging naging solusyon sa kondisyon ng hardinero ay iisa-isahing tanggalin sa eyeball ang mga larvae gamit ang isang manipis na forceps.
Naging matagumpay ang operasyon ng hardinero ngunit upang makasigurado na walang natirang larvae sa kanyang mata, niresetahan siya ng topical antibiotic treatment.
Sa kasalukuyan, magaling na ang hardinero at walang naging damage sa kanyang paningin.