ONIOMANIA ang tawag sa sobrang pagkahumaling sa pagsa-shopping. Mas kilala sa tawag na shopping addiction or shopaholism. Shopaholic naman ang tawag sa taong nakakaranas ng oniomania. Ang “oniomania” ay mula sa salitang Greek na onios (for sale) at mania (insanity). Sinasabing shopaholic ang isang tao kung bibilhin kaagad niya ang gamit na namataan sa mall or online shopping platforms, within 24 hours nang hindi pinag-iisipan. Ang anim na palatandaan na ikaw ay shopaholic:
1. Mas malaki ang nagagastos kapag nakakaranas ng depresyon. Ang pagbili ng bagong gamit ang gumagamot sa kanilang kalungkutan.
2. Nagsisisi pagkatapos mamili. Sa halip na magamot ang stress ay lalo pang nadagdagan ito dahil sa naubos na ang pera o nadagdagan ang utang.
3. Bili nang bili. Hindi pinag-iisipan kung ang isang bagay na nagustuhan ay “kailangang bilhin” o “gusto lang bilhin”.
4. Hindi kayang mabuhay na walang bitbit na credit card.
5. Hindi nawawalan ng dahilan kung bakit kailangan niyang mag-shopping. “Mura lang naman”; “Last na ito…” Pero umaabot na pala sa isandaang beses ang pangako niyang last na niyang shopping ‘yun.
6. May pagtatangka na itigil na ang pagiging shopaholic pero laging bigo.
Mga dahilan ng oniomania:
7. Pinabayaan sila noong bata pa ng mga magulang kaya’t nagbunga ito ng mababang pagtingin sa sarili. Pinaliligaya lang niya ang sarili sa pamamagitan ng mga laruan. Sa kanilang paglaki, ang laruan na ginagawa nilang pantakip sa kakulangan noong bata pa ay napalitan ng palagiang pagsa-shopping para sa sarili.
8. May kasalanan din ang lipunan sa paglikha ng oniomania. Ang mga kapitalista ay lumilikha ng “artificial needs” sa pamamagitan ng advertising na nagkalat sa telebisyon, social media, babasahin at billboards sa kalye. Halimbawa: Ang mga gamot, sabon at lotion na pampaputi. Dati ay hindi pumapasok sa consciousness ng mga Pilipino na kailangan nilang magpaputi. Pero dahil sa mga advertising at marketing strategy ng mga manufacturer, isaksaksak nila sa ating isipan na mas maganda ang maputing kutis kaysa kayumanggi. Kaya ang resulta: Karamihan sa bathroom ng mga Pinoy ay may dalawang sabon na pinagpipilian—regular soap at whitening soap.