Kailangan bang magbigay ng right of way?

Dear Attorney,

Kamakailan, binantaan po ako ng demanda ng bagong owner ng kalapit kong lote kung hindi raw ako magbibigay ng right of way. May daan naman siya papunta sa kalsada pero malayo po ang iikutin niya kaysa kung magbibigay ako ng daan. Maari ba talaga akong mademanda kung hindi ko pagbibigyan ang sinasabi niyang right of way? —Henry

Dear Henry,

Wala namang makakapigil sa kanya para magdemanda, ang tanong lang ay kung may basehan ba talaga siya para humiling ng right of way.

Nakasaad sa Article 650 ng Civil Code na upang magkaroon ng right of way, kailangang lubos na napapaligiran ang lote ng iba pang real properties kaya wala nang sapat na daanan papunta sa pinakamalapit na highway. Kailangan din na hindi ang may-ari ng napapaligirang lote ang may dahilan kung bakit lubos na napaligiran ang kanyang property. Hindi maaring humingi ng right of way kung halimbawa ay dati namang sa kanya ang isa sa mga nakapaligid na lote ngunit ibinenta niya ito sa iba kaya wala na siya ngayong madadaanan palabas.

Kailangan din na ang babawasing kapirasong lupa na magiging right of way ay ang magdudulot ng pinakakaunting perwisyo sa pagkukunan na lote. At siyempre, kailangan ding mabayaran ng tama ang may-ari ng binawasang lote para sa kapirasong lupa na ginawang right of way.

Base sa nabanggit, may karapatan lamang ang owner ng kalapit mong lote sa right of way kung hindi sapat ang kasalukuyang daanan niya papunta sa highway para sa kanyang mga pangagailangan. Kung sapat naman na ito sa pangangailangan niya at ang tanging reklamo lamang niya ay malayo ang kanyang iniikot, ay wala siyang karapatan para sa right of way dahil malinaw ang requirements nito sa ilalim ng Article 650 ng Civil Code.

Show comments