MARAMING umaapela kay President Duterte na huwag nitong lagdaan ang Senate Bill No. 2239 o ang Vape Bill na ipinasa ng mga senador noong nakaraang Disyembre 2021. Ayon sa mga tutol sa Vape Bill, napakadelikado nito na walang ipinagkaiba sa sigarilyo. Pagkakasakit ang hahantungan ng mga gagamit nito. Ang matindi pa sa panukalang batas na ito, binabaan pa ang edad ng mga kabataan na makabibili at makagagamit ng vape. Mula 21-anyos, ginawang 18-anyos ang puwedeng bumili.
Kahit saang anggulo tingnan, walang makitang magandang dahilan kung bakit inuna ng mga senador ang Vape Bill ganung marami naman ang dapat iprayoridad at ginawa pa nila sa panahon ng pandemya. Anong maidudulot ng vape at kailangan itong unahin?
Umalma ang health advocates at iba pang sector sa pagkakapasa ng Vape Bill. Sinabi ng mga doktor na delikado ito sa kalusugan. Mariing sinabi ng Department of Health (DOH), ang panukalang batas ay kumukontra sa pinu-promote ng pamahalaan na mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. Nagtagumpay na anila ang bansa para sa pagkontrol sa tabako pero nagkakandarapa naman para isulong ang paggamit ng vape.
Ayon sa mga eksperto, ang vape ay may chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nakaka-addict at nagiging dahilan ng cancer. Noong 2018, nakapagtala ang Pilipinas ng kauna-unahang e-cigarette o vape associated lung injury na kinasangkutan ng 16-anyos na babae sa Visayas. Ayon sa report, second hand smoke ang tumama sa biktima na nalanghap sa mga kasama sa bahay na gumagamit ng vape.
Kamakalawa, nakiisa ang Deparment of Education (DepEd) sa panawagan na i-veto ni President Duterte ang Vape Bill. Panawagan ng DepEd sa presidente, protektahan ang kabataan sa bisyong ito. Sa kasalukuyan, umabot na sa 48 medical groups ang humihiling sa presidente na ibasura ang kontrobersiyal na panukalang batas.
Magsama-sama ang lahat para mapahinuhod si President Duterte na huwag lagdaan ang Vape Bill. Labanan ang ganitong produkto na nakasisira ng buhay lalo ng kabataan. Iligtas ang kabataan sa bisyong ito.