Dear Attorney,
Inalok po ang tatay ko ng trabaho ng isa sa mga pinagkakautangan niya. Pumirma po ang tatay ko sa isang kontrata na akala niya ay isang employment contract. Dahil hindi bihasa sa English at kulang sa pinag-aralan ay hindi niya naintindihan na Deed of Sale na pala ang kanyang pinasok at nakasaad sa dokumento na ipinagbebenta na niya sa pinagkakautangan niya ang isa sa mga lupa niya kapalit ng halagang hiniram niya na hindi pa niya nababayaran. Natuklasan ko na lang po ito nang mabalitaan kong may nagbabalak ng bumili sa lupa at ang alam na nitong may-ari ng lupa ay ang pinagkakautangan ng tatay ko. May remedyo pa po ba kami gayung may pinirmahan nang Deed of Sale ang tatay ko? —Evelyn
Dear Evelyn,
Kung totoong walang kaalam-alam ang tatay mo sa kung ano talaga ang nakasulat sa kontratang kanyang pinasok, masasabing isang voidable contract ang Deed of Sale na kanyang pinirmahan.
Ayon sa Article 1390 ng Civil Code, maaring mapawalang-bisa ang mga kontrata kung saan ang pagsang-ayon ng mga partido ay bunsod lamang ng pagkakamali, pananakot, o panlilinlang.
Sa kaso n’yo, malinaw na may naging panlilinlang sa iyong tatay dahil ayon sa inilahad mo ay pinaniwala siyang para sa trabaho ang pinipirmahan niyang dokumento na isa na palang Deed of Sale. Dahil may panlilinlang, masasabing walang “meeting of the minds” o pagtatagpo ng isip ng mga partido, na kailangan upang magkabisa ang isang kontrata.
Maari kayong magsampa ng kaso para sa annulment ng Deed of Sale upang mapawalang-bisa ito. Ngunit bago kayo maghain ng reklamo sa korte ay siguraduhin niyo na may sapat kayong ebidensya dahil kayo ang kailangang magpatunay na nilinlang lang ang tatay mo at sinamantala ang kakulangan niya sa pinag-aralan upang mapapayag siya sa pagpirma sa kontrata.