KAHAPON nagpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema na pansamantalang nagpapatigil sa isinagasagawang ‘Oplan Baklas’ ng Commission on Elections (Comelec).
Sampung araw ang ibinigay ng SC para sa poll body at kay Comelec Spokesman James Jimenez para sagutin ang petisyon.
Ang petisyon ay iniharap ng St. Anthony College of Roxas City at iba pang indibiduwal na humihiling ng pansamantalang pagpapatigil sa pagbabaklas ng Comelec sa mga election campaign materials na labis ang mga sukat at wala sa pamantayan na nakalagay sa mga pribadong lugar at ginastusan ng mga pribadong mga indibidwal.
Nag-ugat ang kontrobersiya nang baklasin ang tarpaulin na ikinabit ng mga supporter ni Vice president Leni Robredo sa loob ng mga private property na kabilang sa binaklas ng Comelec dahil sa sobrang sukat na labag umano sa pinaiiral na panuntunan.
Katwiran ng Comelec bagamat inilagay ito sa pribadong lugar, saklaw pa rin ito na sumunod sa mga panuntunang ipinatutupad kabilang rito ang size limitation.
Umani ito nang pagtuligsa at naging kontrobersiya pa nga hanggang sa isampa na ito sa Korte Suprema.
Dapat nga lang na maresolba na ito ng Mataas na Hukuman para magkaalaman na kung ano ba ang dapat.
Marami ang mga interpretasyon kaya kailangan manggaling na sa SC ang kasagutan.
Ito ay lalo pa nga’t nalalapit na rin ang kampanyahan ng mga local candidates.
Ibig sabihin mas lalong dadami ang mga kabitan ng campaign materials.
Dapat na maging malinaw kung ano at kung saan bawal.
Ngayon pa nga lang halos nagdidilim na ang paligid sa mga poster , banner , tarpulin ng mga kandidato.
Kahit saan na lang ito nakalagay, kahit hindi sa mga common poster area.
Mas nakakatakot ang isinasabit sa mga kawad ng kuryente na posible pa ngang maging sanhi ng sunog, Ang mga puno kadalasan doon ipinapako maging ang kanilang campaign materials.
Aantabay tayo sa magiging tugon rito ng SC.
Pagnagsalita na, sunod na!