SI Oliver Sipple ay hindi Secret Service agent or bodyguard — isa lang siyang usisero na gustong makita ng personal ang noo’y US President na si Gerald Ford. Habang lumalabas sa St. Francis Hotel ang Presidente, nakita ni Oliver na isang babae sa unahan niya ang naglabas ng baril. Akma sana itong papuputukin sa direksiyon ng presidente nang agawin niya ang baril. Matagumpay niyang napigilan ang pagbaril sa presidente. Hinanap ng mga reporter ang bayaning nagligtas sa presidente pero mabilis itong nagtago. Ayaw niyang magpa-interview.
Si Sipple ay nagsilbi sa US Marine Corps at lumaban sa Vietnam. Maaga siyang nagretiro sa military dahil sa shrapnel wound na nagpahina ng kanyang katawan. Lingid sa kanyang pamilya sa Detroit, siya ay isang bakla. Ito ang dahilan kung bakit ayaw niyang magpa-interview.
Aktibo siya sa gay rights demonstration sa San Francisco at New York. Doon niya nakilala ang isa ring gay na naging best friend niya, si Harvey Milk. Ang kaso ibinisto ni Milk ang identity ng “bayaning nagligtas sa presidente”. Nasa isip niya, iyon ang magiging daan upang ang karapatan ng mga bakla ay kilalanin ng komunidad. Malaki ang maitutulong ng pangyayaring iyon lalo na at ang natulungan ay isang presidente.
Ngunit isang malaking perwisyo ang ginawa ni Milk. Kinutya ng lipunan si Sipple. Isang sundalo, bakla pala! Noon ay 1975. Hindi pa ganoon kalaki ang pang-unawa ng mga tao tungkol sa kabaklaan. Dobleng dagok ang tumama kay Sipple: kinutya siya ng lipunan at kinasuklaman ng kanyang pamilya. Simula noon, nagkaroon siya ng matinding depresyon. Binalingan niya ang pag-inom ng alak upang makalimot pansamantala. Humina ang kanyang kalusugan hanggang sa pumanaw siya sa edad na 47 noong 1989.
“Why is it that, as a culture, we are more comfortable seeing two men holding guns than holding hands?” —Ernest J. Gaines