MAY mag-asawang anti-Christ na naninirahan sa isang magarang subdivision. May isa silang anak na lalaki na anim na taong gulang.
Isang gabi, pinasok sila ng mga magnanakaw. Nagising ang kanyang mga magulang na sa sobrang takot ng ina, ito ay sumigaw ng napakalakas. Nataranta ang isang magnanakaw na may hawak ng baril kaya naiputok niya ito sa ina. Akmang susugurin ng ama ang magnanakaw ngunit mabilis din itong pinaputukan. Sa isang iglap, namatay ang mag-asawa.
Sa takot na nakatawag ng pansin sa mga kapitbahay ang malakas na putukan, ang mga magnanakaw ay agad lumisan na walang bitbit kahit ano.
Napanood ng anak ang lahat ng pangyayari dahil nagising ito ng sumigaw nang malakas ang kanyang ina. Nakita siya ng mga magnanakaw na nakasilip mula sa bahagyang nakabukas ng pintuan ng bedroom ngunit sa pagtataka ng mga kapitbahay ay hindi siya ginalaw ng mga ito.
Ang bata ay pansamantalang pinatira muna sa bahay ampunan ng mga madre habang kinokontak ng DSWD ang mga kamag-anak nito na pulos nasa abroad. Nalaman ng pamunuan ng bahay ampunan mula sa mga kapitbahay na anti-Christ ang magulang ng bata kaya unti-unti nilang tinuruan ito ng katesismo. Sa unang araw ng pagtuturo ng madre, ipinakita nito ang larawan ni Jesus Christ sa bata at saka nagtanong:
“May ideya ka ba kung sino ang nakalarawan?”
Saglit nag-isip ang bata na tila may inaalala, saka nagsalita:
“Siya po ang lalaki na bigla na lang dumating sa aking bedroom at yumakap sa akin. Lalapitan sana ako ng mga magnanakaw pero tiningnan lang ako at umalis na sila.”