EDITORYAL – Pabakunahan ang mga bata

NGAYONG araw na ito ang nakatakdang pagbakuna sa mga batang edad lima hanggang 11. Dapat noong Biyernes (Pebrero 4) isinagawa ang ­pediatric vaccination pero hindi natuloy dahil naatrasado ang pagdating ng Pfizer vaccine. Ayon kay National Task Force ( NTF) implementer Carlito Galvez Jr., noong Huwebes ng gabi dumating ang bakuna kaya ngayong araw ay tuloy na ang vaccination sa mga bata. Ayon pa kay Galvez, dalawang vaccination sites sa bawat lungsod sa Metro Manila ang itinalaga.

Dapat lang maisakatuparan ang pagbabakuna sa mga bata sapagkat nakaaalarma ang report ng Department of Health (DOH) na tumataas ang kaso ng COVID sa mga bata. Kung ang kaso ng COVID sa mga matatanda o adult ay bumababa, kabaliktaran naman na tumataas ang kaso sa mga bata. Ayon sa DOH, mula Enero 24-30 ng taong kasalukuyan, 632 kaso ng COVID cases ang naitala sa mga bata na may edad lima pababa. Sa mga edad lima hanggang 11, naireport ang 586 kaso ng COVID mula Setyembre 2021 hanggang Enero 2022.

Nararapat ipursigi ang pagbabakuna sa mga bata para magkaroon sila ng proteksiyon. Sa ibang bansa, tulad sa Israel, nabakunahan na halos lahat ng mga bata kaya wala nang pangamba ang mga magulang na magkakasakit nang malubha ang kanilang mga anak.

Sa kabila naman na tiniyak ng World Healh Organization (WHO) na ligtas ang COVID vaccine sa mga bata, may mga tumututol pa rin dito. May mga magulang ang naghain ng petisyon para mag-isyu ng TRO ang Quezon City RTC sa pagbabakuna. Ayon sa petitioners, nasa panganib ang mga bata sapagkat puwersahan ang COVID vaccination sa mga ito. Naghain din ang mga magulang ng reklamo sa mga opisyales ng DOH.

Sa isyung ito, nananariwa ang kontrobersiya ng Dengvaxia na nangyari noong 2016 kaya may mga tutol sa COVID vaccine para sa mga bata. Pero hindi naman ito dapat ipareho ang Dengvaxia sa COVID vaccine. Nagkaroon ng pagkakamali ang manufacturer ng Dengvaxia kaya may mga batang namatay. Sa COVID vaccine, tinitiyak na ligtas ito sa mga bata. Dapat paniwalaan ang sinasabi ng mga eksperto para maproteksiyunan ang mga bata sa virus. Maniwala sa siyensiya. Tanging bakuna ang kailangan sa panahong ito.

Show comments