MAY mga nagaganap nang karahasan na may kinalaman sa election. May mga tinambangan at pinagbabaril. Karaniwang magkakalaban sa puwesto ang mga nag-aaway gaya nang magkalaban sa pagiging konsehal, mayor at governor. Pawang sa lalawigan pa lamang may nababalitang nagbabanggaan at nagpapatayan. Sa Metro Manila, wala pang naiuulat na patayan dahil sa elections. Siguro’y dahil wala pang pormal na kampanyahan. Asahan na pagsapit ng campaign period ay maaaring magkaroon ng karahasan.
Ang campaign period para sa president, vice president, senator, at party-list groups ay magsisimula sa Pebrero 8 hanggang Mayo 7. At ang mga tatakbong kongresista, governor, mayor ay mula Marso 25 hanggang Mayo 7. Ipinagbabawal ang pangangampanya sa Mahal na Araw (Abril 14 at 15).
Sa panahong ito tiyak nang mamamayani ang private armed groups. Maghahasik sila ng karahasan para ang pinaglilingkurang pulitiko ang mamayani at manatili sa puwesto. Tatakutin nila ang mga botante. Sasakmalin ng sindak ang mamamayan. Ayon sa report, marami pa ring pulitiko sa Mindanao at Hilagang Luzon ang nagmimintina ng armadong grupo para gamitin sa election. Sisiguruhin nilang manalo.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), minomonitor nila ang 138 private armed groups na maaaring maghasik ng kaguluhan sa 2022 elections. Bukod sa mga pribadong armadong grupo, binabantayan din nila ang mga terorista na maaaring hadlangan ang pagdaraos ng election. Sabi ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos, mahigpit na nilang binabantayan ang mga grupong ito. Lahat daw ng galaw ng mga grupo ay kanilang minamanmanan. Lahat daw ng koneksiyon ng mga ito ay kanilang minomonitor.
Kailangang lansagin ang private armed groups para matiyak ang mapayapang election. Samsamin ang mga di-lisensiyadong baril. Kapag nanatiling aktibo ang mga armadong grupo, ang karahasan ay mangingibabaw at dadanak ang dugo. Sikapin ng PNP na bago sumapit ang campaign period, tukoy na ang mga armadong grupo at simulan na nilang wasakin.