ISANG 59-anyos na lalaki sa Jiangxi Province sa China na 30-taon nang sumasakit ang ulo ang natuklasang may bulate (tapeworm) sa kanyang utak! Nakilala ang lalaki sa pangalang Zhang.
Taon 1989 nang unang nakaranas ng matinding pananakit ng ulo at seizure si Zhang. Dahil dito, na-diagnose siya na may epilepsy at niresetahan ng anti-epileptic drugs. Ngunit kahit 30-taon na siyang umiinom ng gamot laban sa epilepsy, madalas pa rin siyang atakihin ng seizure at pananakit ng ulo.
Hindi tumigil sa paghahanap ng lunas si Zhang. Nagpatingin siya sa isang neurologist sa Guangzhou at nakita sa kanyang MRI na may parasites sa kanyang katawan. Nakita ang bulate sa kanyang utak na may habang 10 centimeters!
Sumailalim sa apat na oras na operasyon si Zhang at matagumpay na nakuha ang bulate sa kanyang utak.
Ayon sa doktor, maaaring ang pag-inom ng tubig mula sa ilog at pagkain ng palaka at ahas na hindi maayos ang pagkakaluto ang dahilan ng pagkakaroon ng bulate sa utak.
Inamin naman ni Zhang na umiinom siya ng tubig sa ilog at madalas ding kumain ng palaka.
Sa kasalukuyan, fully recovered na si Zhang.