Dear Attorney,
Matagal na pong nagpapaupa ang asawa ko sa probinsiya. Ngayon po ‘yung isang tenant niya na ten years nang nangungupahan sa kanya ay bigla na lang ayaw magbayad ng renta dahil narinig daw niya na hindi nakapangalan sa asawa ko ang titulo ng lupang inuupahan niya. Magbabayad lang daw siya kapag malinaw na kung kanino talaga ang lupa. Tama po ba ang sinasabi niya? —Emmy
Dear Emmy,
Walang basehan ang ginawang hindi pagbabayad ng nangungupahan sa asawa mo dahil lamang hindi siya sigurado kung kanino nakapangalan ang titulo ng inuupahan niyang lupa.
Malinaw ang nakasaad sa Section 2(b) ng Rule 131 ng Rules of Court na hindi maaring itanggi ng isang tenant ang titulo ng kanyang landlord sa inuupahan niyang property kapag nagsimula na ang kasunduan nila bilang landlord at tenant.
Ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa Century Savings Bank v. Samonte, (G.R. No. 176212, October 20, 2010), ipinagbabawal sa ilalim ng probisyon na ito ang pagkuwestiyon ng isang tenant sa titulo ng kanyang landlord.
Kapag kasi ang isa ay naging tenant, kasama na rito ang pagkilala sa titulo ng kanyang landlord kaya hindi na niya maaring itanggi ito o sabihing may ibang tao na siya talagang may titulo sa property na kanyang inuupahan.
Sa pagkakataong mapatunayan na may contract of lease nga sa pagitan ng isang tenant at landlord, hindi na maaring baliktarin ng tenant ang pagkilalang ito sa titulo ng kanyang landlord kahit pa mayroon siyang malakas na pruweba na hindi talaga ang landlord ang nagmamay-ari sa property.
Dagdag pa ng Korte Suprema sa Tamio v. Ticzon (G.R. NO. 154895, November 18, 2004), hindi naman kasi nakabase sa titulo ng landlord ang relasyon niya sa kanyang tenant. Nakabase lamang ito sa kanilang kasunduan ukol sa pagpagpapaupa kaya hangga’t hindi nagagambala ang tenant sa pananatili niya sa kanyang inuupahan, hindi na mahalaga kung ang landlord nga ba niya ang nagmamay-ari talaga nito o hindi.
Base sa nabanggit, may karapatan kayong singilin ang hindi nagbabayad na tenant, at sampahan siya ng ejectment sakaling magmatigas siya at ipagpilitan pa rin ang kanyang ginagawang pagkuwestiyon sa titulo ng iyong asawa.