SA pagsulong ng mga makabagong teknolohiya na umaa-pekto sa araw-araw na pamumuhay ng mga tao, nadadagdagan ang mga kinakailangang mga detalye hinggil sa kanilang personal na buhay na karaniwang hinihingi sa mga transaksyon sa mga pribado at pampublikong tanggapan, institusyon, ahensiya o organisasyon.
Isa rito ang email address na dagdag sa ibang mga personal na detalye hinggil sa isang tao tulad ng buong pangalan, edad, kapanganakan, tirahan, telepono at iba pa. Kabilang ang email address sa sistema ng komunikasyon kung paano makokontak ang isang tao o organisasyon o ahensiya o institusyon.
Tulad ng internet sa kabuuan (siyempre pa, hindi ka naman makakapagbukas ng email kung walang internet), naging malaking bagay ang email address sa mga sistema ng komunikasyon sa mga negosyo, edukasyon, trabaho, medisina, siyensiya, kalakalan, at maging sa mga personal na aktibidad ng mga indibidwal.
Kailangang meron kang email address kapag nag-aaplay ka ng trabaho dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa, sa pagbubukas ng account sa social media tulad ng Facebook at Twitter, o sa pagbukas ng sariling account sa ilang website o pakikipagtransaksyon sa banko o ospital.
Kailangan na rin ito sa mga transaksyon sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng sa Social Security System, Pag-IBIG, PhilHealth, DFA, NSO, NBI, GSIS at iba pa. Lalo na ngayong panahon ng pandemya na halos lahat ng mga aktibidad sa mga tanggapang ito ng pamahalaan ay isinasagawa na nang online o sa pamamagitan ng internet.
Hindi na kailangang pumunta nang personal sa mga tanggapang ito dahil sa ipinapatupad na mga online transaksyon maliban na lang sa mga usaping kailangang-kailangang humarap nang personal ang isang tao sa isang opisina.
Mahigit 50 taon na ang nakararaan mula nang maimbento ang email address pero nakakagulat pa rin na, sa panahon ngayon, meron pa ring mga tao na walang sariling email address. Maaari kasing hindi naman nila kailangan at wala silang mapaggagamitan o hindi naman nila madalas magagamit.
Bukod dito, sa pagsulpot ng social media tulad ng messenger ng Facebook, naging isang mas mabilis na sistema ito ng pakikipag-ugnayan ng mga tao sa isa’t isa kaya nababawasan ang paggamit ng email address na tulad ng nangyayari sa short message service o text sa cell phone. Kaso nga, hindi ka makakapagbukas ng account sa social media kung wala kang email address.
Ang pagkakaroon ng email address ay isa rin kasing paraan kung sakaling nalimutan ng isang user ang kanyang password o kaya isang paraan din ito ng beripikasyon kung sakaling na-hack ang isang account.
May mga tao na nagagawang makapagpagawa ng account sa social media pero hindi naman nila ginagamit ang kanilang email address dahil nga hindi naman talaga nila ito kailangan lalo pa at puwede namang makapagpadala ng mga mensahe sa pamamagitan ng social media.
Maaaring nabawasan ang kabuluhan ng email address dahil sa pagsulpot ng ibang mga sistema ng komunikasyon tulad sa messenger at ilang mga website o apps na nagbibigay-daan sa mabilis na pag-uugnayan ng mga tao pero mukhang hindi naman siya agad mawawala dahil naging bahagi na siya sa lahat ng klase ng mga transaksyon sa lipunan natin.
Email: rmb2012x@gmail.com