INIHAYAG ng Guinness World Records ang isang lolo sa Puerto Rico bilang pinakabagong record holder para sa kategoryang “world’s oldest living man”.
Sa edad na 112 years and 326 days, ginawaran ng Guinness si Emilio Flores Marquez ng Trujillo Alto, Puerto Rico ng certificate bilang pinakamatandang lalaki sa buong mundo.
Si Marquez ay pinanganak noong Agosto 8, 1908 sa bayan ng Carolina, Puerto Rico at ikalawa sa 11 magkakapatid.
Ayon kay Marquez, naniniwala siya na ang isa sa dahilan ng kanyang mahabang buhay ay pagsunod sa kanyang ama na tinuruan siya na maging mabuti sa lahat ng kanyang makikilalang tao.
Kasal si Marquez sa kanyang asawa na si Andrea sa loob ng 75 na taon bago ito namayapa noong 2010. May apat silang anak at dalawa sa mga ito ay nabubuhay pa. Marami rin silang apo.
Bago hirangin na world’s oldest living man si Marquez, ang dating nagmamay-ari ng titulong ito ay ang 111-anyos mula Bucharest, Romania na si Dumitru Comanescu na yumao noong Hunyo 27, 2020.