Lalaki sa Massachusetts, ligtas matapos lulunin ng balyena

ISANG lobster diver sa Massachusetts ang himalang naka­ligtas matapos lulunin ng isang balyena habang siya ay sumisisid para manghuli ng lobsters.

Animo’y kuwento ni Jonas sa Bibliya ang nangyari kay Michael Packard, na matagal nang naghahanapbuhay bilang lobster diver.

Ayon kay Packard, bigla na lang daw nagdilim ang paligid niya habang siya ay sumisisid sa lalim na 45 talampakan sa karagatang malapit sa Cape Cod.

Noong una raw, inakala niyang inatake siya ng pating ngunit wala naman daw siyang nararamdamang kagat o sakit sa katawan.

Bigla pala siyang nilulon ng isang humpback whale. Nakaramdam kaagad ng takot si Packard dahil nangangamba siyang maubusan ng hangin sa kanyang tangke.

Mabuti na lamang at iniluwa rin siya ng balyena matapos nitong umahon sa ibabaw ng tubig matapos ang 30-40 segundo.

Nagtamo ng mga pasa at sakit sa katawan si Packard dahil sa pagkakaluwa sa kanya ng balyena bagama’t wala naman daw siyang nabaling mga buto.

Lubos na nagpapasalamat si Packard sa kanyang pagkakaligtas lalo na’t inakala niyang mamamatay na siya noong mga sandaling nasa loob pa siya nito.

Show comments