NASA kalagitnaan ako ng meeting sa BITAG Headquarters noong Huwebes (Hunyo 10) nang makatanggap kami ng tawag mula sa inang taga-Baguio.
Ang kanya raw anak na dalaga, kasalukuyang nakakulong sa isang condominium sa Pasay at ginawang drug courier ng isang Chinese national.
Hindi raw ito makatakas dahil sa banta ng amo na babarilin kapag lumabas ng condominium.
Ayon sa ina, tuwing gabi ay patagong nakakapagmensahe sa kanya ang anak. Humihingi raw ito ng tulong na ma-rescue.
Nagpadala rin ito ng ilang video at litrato ng mga naka-pack na shabu at hinahalo sa mga pagkain bago ideliber sa costumer.
Ang kanila umanong mga buyer, pumupunta sa condominium at mag-aabang sa lobby. Doon pabababain ang drug courier para iabot ang droga kasama ng mga pagkain.
Kuwento ng ina, na-recruit daw ang kanyang anak ng isang Chinese national nang magsarado ang casino na pinagtatrabahuan nito.
Ang alok daw na trabaho ay tagabantay sa condominium. Kaya ganoon na lamang daw ang takot ng kanyang anak nang makitang nagre-repack ng mga ipinagbabawal na gamot sa condo.
Dahil sa kawalan ng pera at labis na pananakot ng dayuhan, hindi magawang makatakas ng biktima. Kaya ang kanyang ina, nagpasya nang humingi ng tulong sa BITAG.
Wala kaming inaksayang oras. Ora mismo, kumilos ang BITAG at ikinasa ang isang rescue operation.
Dahil may kinalaman sa droga, nakipag-ugnayan kami sa Philippine Drug Enforcement Agency at ang grupo ng Special Enforcement Service (PDEA-SES) ang nanguna sa operasyon.
Matagumpay na na-rescue ang biktima at kasama nitong babae sa condominium. Ang suspek na Chinese, nalambat din ng PDEA-SES maging ang mga ebidensiyang droga na naabutang inire-repack pa lang.
Habang sinusulat ang kolum na ito, pauwi na ang mag-ina sa Abra.