MARAMING nagagalit sa aming magkakapatid na Tulfo. Sabi nila, fake court daw kami.
Kung di ba naman mga sangkaterbang eng-eng, hindi naman talaga kami hukuman. Ang mga biktimang nakaranas ng pang-aabuso’t krimen ang lumalapit sa amin para magsumbong.
Kapag kasi may inabuso, may nang-aabuso. ‘Yung mga naunang tinakbuhan ng mga biktima’t inabuso, hindi sila pinakinggan kaya napapadpad sa media – katulad sa aming Tulfo Brothers.
Kami raw ay nanggigipit, kung ayaw daw makipag-usap sa amin sa ere ay hindi dapat pinipilit at hindi dapat iniinsulto. Linawin ko, hindi ganito ang aking estilo at sinuman sa amin.
Ipinagkakaloob namin ang karapatang marinig at mapakinggan ang panig ng inirereklamo. Kung ayaw magsalita, hindi namin pipilitin.
Pero may ibang estilo kami sa BITAG na kung ayaw magpaliwanag, isu-surveillance namin at ha-hanapin ang mga inirereklamo. Kung anong ginawa sa mga biktimang inabuso, niyurakan at sinaktan.
Subalit ang magsasalita ay yung mismong naging biktima ng karahasan, pang-aabuso’t panloloko. Kasama ng paglalahad at pagpapakita nila ng mga ebidensiya.
Maraming establisimento, kompanya, otoridad, hinalal, mga maimpluwensiya na nagpapabaya at sumosobra ang paggamit sa kapangyarihan.
At dahil sa kanilang ginagawa, may mga napipinsala, may nasasaktan at ang pinakamasakit, nauuuwi sa trahedya.
‘Yung ibang lunod na sa kapangyarihan na alam nilang hindi sila kayang banggain at labanan hahamunin nila ang kanilang mga biktima, take me to court. Paano ka lalabanan ng isang walang-wala? Makapangyarihan ka, ang nagrereklamo ay walang pera?
Alam nila kasi ng mga abusadong ‘to na tatagal ang sitwasyon at hindi agad makukuha ang hustisya.Mamamatay na lang sa tagal ang isyu, tuloy ulit ang kanilang katarantaduhan.
Para sa mga biktimang ito, importante na mapakinggan ang kanilang sinapit. Lumalakas ang kanilang loob na magsalitang sila ay biktima dahil merong malalapitan na makikinig sa kanila at kakampi.
Eto kamo, may mga nagpapayong “abogado kuno” na kapag ipina-Tulfo ay ‘wag pumayag na magpa-on air. May karapatan daw ang inirereklamo na wag sumagot at manahimik.
Eh di sige, turuan n’yo ang mga dorobo, tarantado, gago, abusado’t kriminal na ikubli ang masasamang gawain nila at gamitin ang korte para magpatuloy sa paggawa ng masama sa kapwa.