MAY isang pamilya na naninirahan sa napakalayong bukid. Ang ikinabubuhay nila ay pagtatanim ng gulay at prutas na ang ani ay ibinebenta nila sa kabayanan. May malaki silang trak na ginagamit na panghakot ng mga inani patungo sa kabayanan. Isang beses kada buwan ay nagtutungo sila sa bayan para dalhan ng kanilang ani ang mga may tindahan ng gulay at prutas sa palengke.
Binata na ang anak ng magsasaka kaya siya ang tumutulong sa kanyang ama mula sa pagtatanim hanggang sa pagdadala ng mga ani sa palengke sa kabayanan. Ang binata rin ang nagmamaneho ng trak dahil hindi marunong magmaneho ang ama.
Pagdating ng bayan, may suki na silang parking lot kung saan ipinaparada ang trak. Pagka-distribute ng mga produkto sa mga manininda, isa-isa pa itong pinupuntahan ng ama upang maningil. Habang ginagawa iyon, nagpaalam ang anak na binata upang asikasuhin ang groceries na ipinabibili ng ina. Nagkasundo ang mag-ama na magkikita na lang sila sa tapat ng palengke sa ika-apat ng hapon. Malayo ang parking lot sa palengke kaya kukuhanin muna ng anak ang trak at saka dadaanan ang ama sa tapat ng palengke. Ganoon ang kanilang kasunduan.
Mahirap gabihin dahil ang kahabaan ng daan patungo sa kanilang bahay ay pulos palayan at ang tanging ilaw ay magmumula sa headlight ng trak. Hindi pa uso ang cell phone noon pero may landline na kaya umaasa lang sila sa “kasunduan”.
Maagang nakapamili ang binata kaya nagpasya siyang manood muna ng sine. Kaso masyadong itong nawili sa panonood kaya napaiktad siya sa pagkakaupo nang masulyapan ang relo na ala-5 na ng hapon.
Malapit lang naman ang sinehan sa parking lot pero lundag at takbo ang ginawa niya para makaalis kaagad siya at masundo na ang ama. Habang nagmamaneho ay nag-iisip siya ng palusot sa ama. Hindi niya aaminin na nalibang siya sa panonood ng sine. Halatang iritado ang ama nang salubungin siya.
“Bakit ngayon ka lang?”
“Sarado po ang parking lot nang dumating ako. Naghintay po ako nang matagal sa caretaker.”
“Anong oras dumating ang caretaker?”
“Alas singko na po.”
“Nagsisinungaling ka. Nakitawag ako sa telepono ni Ka Dado at tumawag ako sa parking lot. Alas kuwatro pa lang ay naroon na ang caretaker. Mukhang nagkamali ako ng pagpapalaki sa iyo. Dahil dito kailangan kong parusahan ang aking sarili. Maglalakad ako mula dito hanggang sa ating bahay. Sige mauna ka na. Bilisan mo at hinihintay ng iyong ina ang mga ipinabili niya sa iyo.”
Ngunit hindi iniwan ng anak ang ama. Nakasunod pa rin ang trak sa amang naglalakad. Hindi niya maiiwan itong maglakad sa napakadilim na daan. Hiyang-hiya siya sa ama at sa sarili. Nakarating sila pagkaraan ng limang oras. Dalawang oras lang ang biyahe mula kabayanan hanggang bahay nila.
Walang pisikal na pang-aabuso ang naging parusa ng ama sa anak ngunit ito ay nag-iwan ng malakas na suntok sa puso ng anak. Iyon ang una at huling pagsisinungaling ng anak sa buong buhay niya.