EDITORYAL - EO 128, kalbaryo sa local hog raisers

PAHIRAP sa mga lokal na magbababoy ang Executive Order 128 na nilagdaan ni President Duterte noong nakaraang buwan. Sa EO 128, binabaan ang tariff rates para sa imported na karneng baboy. Ang resulta, bumaha ang imported na karneng baboy at iba pang pork products. Dahil sa pagdagsa ng imported, ang apektado ay ang mga lokal na magbababoy. Nagkaroon sila ng kakumpetensiya at malamang na tuluyan na silang mawalan ng hanapbuhay dahil sa dami ng imported na baboy. Ganunman, sa kabila na dumagsa ang baboy, nagpatuloy din naman sa pagtaas ang pres­yo nito. Sa kasalukuyan ang presyo ng liyempo ay P400. Umaaray na ang mga mamimili sa taas ng presyo. Kung kailan marami ang naghihirap dahil sa pandemia saka naman sobrang taas ng karneng baboy na ang mga nakaluluwag na lamang sa buhay ang maaaring bumili.

Ayon sa mga eksperto, hindi naman dapat tumaas ang karne ng baboy dahil nga dumagsa na ang imported dahil sa pagbaba ng taripa. Dapat daw ang presyo ng karneng baboy ay P200 bawat kilo. Ano ang silbi ng EO 128 kung ganitong patuloy sa pagtaas ang karneng baboy?

Nagbabala si Sen. Panfilo Lacson na marami ang magrerebelde kapag nagpatuloy na mawalan ng hanapbuhay ang mga lokal na magbababoy na naapektuhan ng EO 128. Mas madali aniyang ma-recruit ng New People’s Army (NPA) ang mga nawawalan ng hanabuhay. Kapag nagutom ang mga ito dahil sa pagkawala ng kanilang ikabubuhay, sisisihin nila ang gobyerno at ito ang magandang pagkakataon na hinihintay ng NPA para makumbinsing sumapi ang mga nawalan ng hanapbuhay. Kapag nagkaganito, dagdag ito sa security problem ng bansa.

Bawiin na ang EO 128 para naman hindi mawalan ng hanapbuhay ang mga local hog raisers. Bakit isasakripisyo ang kalagayan ng mga lokal na magbababoy dahil dito. Sabi naman ni President Duterte kamakailan, puwede niyang suspendehin ang EO 28. Gawin na niya. Atasan naman niya ang secretary ng Department of Agriculture na gumawa ng paraan para mapababa ang presyo ng karneng baboy.

 

Show comments