NOONG World War 2 o mas kilala sa tawag na panahon ng Hapon, ang aking ina ay kasalukuyang nasa elementarya. Sobra ang hirap ng kanilang buhay noon. May mga panahong nilagang saging o kamote na lang ang kanilang kinakain dahil ang mga palay na inaani nila ay kinukuha ng mga sundalong Hapones. O, kaya, kapag nalaman ng mga gerilya na marami silang inimbak na palay sa kamalig ay nire-required ng mga ito na hatian sila ng ani. Ang nangyayari tuloy ay magkabilang panig ang umaagaw ng kanilang ani. Kaya’t ang desisyon ng aking lolo at mga kasamahang magsasaka ay huwag nang magtanim ng palay dahil sa bandang huli ay wala ring natitirang palay para sa kanilang pamilya.
Nasa ganoon silang hirap na kalagayan nang isang araw ay umuwi ang aking ina na may dalang sulat mula sa kanilang titser. Humihingi ito ng abuloy para sa isa niyang kaklase na ang ama ay napatay ng mga Hapones. Ang abuloy daw ay puwedeng cash o pagkain, ayon sa sulat.
Napaismid ang matandang tiyahin ni Nanay na kapisan nila sa bahay. “Anong abuloy pa ang maibibigay natin, eh, halos wala na tayong makain! Mahirap pa tayo sa daga dahil sa mga walanghiyang nang-aagaw ng ating palay!”
“Cresing,” ang sabi ng ama ni nanay, “huwag mong iparinig sa bata na tayo’y mahirap pa sa daga dahil tatatak iyon sa kanyang isipan hanggang sa siya’y tumanda. May kaunti pang saging at kamote sa kamalig, iyon ang ibalot mo at gawing abuloy.”
Noong bata pa ako, sa kanya nangungutang ang aking lolo kapag kinakapos ito sa pang-tuition ng aking tiyo sa kolehiyo. Bunga nito, naitanong ko ito sa aking ina: Mayaman ba tayo o mahirap?
“Bakit mo naman naitanong iyan?”
“Kasi nalilito ako. Noong nagprisinta ako sa aking guro na gusto kong sumali sa Hawaiian dance, hindi niya ako isinali. Mga kaklase kong anak ng maykaya lang ang isinali niya dahil mahal daw ang costume na gagamitin. Nag-aalala si Miss Cruz na baka hindi kayanin ng ibang magulang na makabili ng costume. Kulang na lang sabihin nito sa buong klase na hindi puwedeng sumali sa Hawaiian dance ang mahihirap. Pero kapag naman mangungutang si Lolo, may pera kang naibibigay. Ano ba talaga?”
“Mahirap tayo sa taong mapangmata na kagaya ni Miss Cruz pero mayaman tayo sa mata ng mga taong malaki ang tiwala sa atin, na kapag humingi sila ng tulong ay alam na hindi sila pagkakaitan. Kakaunti man ang ating pera, mayaman naman tayo sa pakisama.”