Ang maestra ni Kate Winslet

SI Kate Winslet ang gumanap na leading lady ni Leonardo DiCaprio sa Titanic noong 1997. Noong nag-aaral pa, lagi siyang pinag-initan  ng kanyang maestra. Mainit na mainit ang dugo nito sa kanya. Nararamdaman ni Kate na lagi itong humahanap ng “butas” para siya mapagalitan at ipahiya sa harap ng kanyang mga kaklase. Ang totoo ay ito ang pinakamalungkot niyang karanasan noong bata pa.

Artista na siya at sikat na nang makita niya ang maestrang ito sa isang mall minsang namimili silang mag-ina. Ang maestra ay isa na ngayong saleslady sa cosmetic section. Naramdaman ng mommy ni Kate na may kamalditahan siyang binabalak sa dating maestra kaya pinigilan siya nito. Pero itinuloy pa rin ni Kate ang paglapit.

“Hello…” bati ni Kate sa dating maestra.

Tinitigan muna siya ng maestra mula ulo hanggang paa at saka sumagot nang hindi man lang ngumingiti.

“Oh, mukhang asensado ka na!”

“Yes, artista na ako…at ikaw naman ay nagtitinda ng make-up.”

Tinitigan ni Kate ang maestra. Mata sa mata. At saka muling nagsalita. “Actually, nilapitan kita para pasalamatan…for being such a bitch—because it made me stronger!”

Nalungkot ako nang mabasa ko ang kuwento ni Kate Winslet. Pareho kami ng karanasan sa kamay ng isang maestra sa elementarya na laging namamahiya sa akin, almost everyday ng buong school year.  Ganoong ganoon. Laging humahanap ng butas para magkaroon ng pagkakataong ipahiya ako. Sa puso ng isang bata, iyon ay napakabigat para niya dalhin ang impiyernong buhay habang siya ay nag-aaral. Hanggang ngayon kapag nakakabasa ako ng mga kuwentong pamamahiya ng maestra sa kanyang estudyante, muling nanariwa ang kirot sa aking puso.

“It’s always been a mystery to me how people can respect themselves when they humiliate other humans.” – Mahatma Gandhi

 

Show comments