ISANG Egyptian scuba diver ang nakapagtala ng bagong world record sa pamamagitan ng pananatili sa ilalim ng dagat sa loob ng halos anim na araw.
Sinisid ng 29-anyos na si Saddam Al-Kilany ang kailaliman ng Red Sea at nanatili siya roon sa loob ng 145 oras at 30 minuto upang mahigitan hindi lamang ang kanyang personal na record na 121 oras kundi pati na rin ang kasalukuyang world record na 142 oras at 47 minuto na naitala ng taga-Cyprus na si Cem Karabay noong 2016.
Plano sana ni Al-Kilany na manatili sa ilalim ng tubig ng 150 oras, ngunit itinigil na niya ang kanyang world record attempt matapos ang 145 oras at 30 minuto para na rin sa kanyang kalusugan. Para masigurado ang kanyang kaligtasan ay may team ng medical experts at scuba divers ang nakaantabay kay Al-Kilany habang isinasagawa niya ang kanyang world record attempt.
Dati nang naging tampok ng balita si Al-Kilany nang isagawa niya at ng kanyang nobya ang kanilang engagement ceremony sa ilalim ng tubig nitong nakaraang Setyembre.