MAHILIG magpanggap na mayaman itong bida sa aking kuwento. Nag-Saudi ang mister, pero sa kasamaang palad ay inabot ng stroke doon kaya pinauwi ng employer. Nawalang bigla ng source of income ang pamilya. Ang pinagkakakitaan na lang ay sari-sari store. Ayaw magpahalata na kinakapos na sila kaya ang kaunting separation pay na natanggap ay ibinili ng kotse. Tamad mag-aral ang anak na panganay. Ito na lang ang idinahilan kung bakit tumigil sa pag-aaral pero sa totoo lang ay wala na talaga silang ipagpapaaral. Ang bunso na dati’y nasa private school ay inilipat sa public. Ang puhunan sa tindahan ay sa Bombay na lang kinukuha.
Kung traysikel o isang dyip na pampasahero ang binili nila sa halip na kotse, sana’y may pinagkakakitaan sila kahit paano. Puwedeng magmaneho ang anak na wala namang ginagawa kundi tumunganga maghapon. Sabagay, kung mahilig kang magyabang at magpanggap na mayaman ay mas bonggang tingnan kung kotse ang nakaparada sa harap ng bahay. Malalaman pa ba ng ibang tao na ito’y kakarag-karag at isang pirma na lang ng kalawang ang kailangan para ipakilo sa junk shop.
Tapos may tapang pang magkomento sa umpukan—palpak ang gobyerno kaya tayo naghihirap. Magbago na dapat sila! Gusto kong sagutin—Weh! Hindi kaya attitude mo muna ang dapat baguhin?
Naalala ko ang sinabi ng aking lolo na kahit manginginom ay laging may sense ang sinasabi—nagiging maganda ang resulta ng isang desisyon kung ang layunin ay para sa kabutihan ng lahat.