KINAKABITAN na ang mga tren sa Japan ng mga speaker na nagpapatugtog ng tahol ng aso upang maitaboy ang mga usa na nagtutungo sa mga riles.
Problema kasi sa Japan ang mga usa na palaging napapadpad sa mga riles ng tren kaya nag-isip ng paraan ang Railway Technical Research Institute (RTRI) kung paano ito masolusyunan.
Epektibo naman ang naisip na solusyon ng RTRI dahil bumaba ng 40 porsiyento ang bilang ng mga insidente kung saan may mga natatagpuang mga usa sa gitna mismo ng riles.
Nagpapatugtog muna ang mga tumatakbong tren ng recorded na ungol ng usa ng tatlong segundo. Hango ang recording sa totoong ungol na ginagawa ng mga usa kapag sila’y nagbibigay ng babala sa kanilang kapwa.
Matapos ito ay saka naman patutugtugin ng 20 segundo ang recorded na tahol ng mga aso bilang panakot sa mga usang nasa gitna ng riles.
Madalas mapadpad ang mga usa sa mga riles dahil sa kanilang pangangailangan sa iron. Hinihimod nila ang bakal ng riles kaya madalas ay hindi nila napapansing may paparating na palang tren.
Kaya naman sinubukan na rin ng mga kinauukulan ang pagkakalat ng mga piraso ng bakal sa mga kakahuyan upang iyon na lang ang himurin ng mga usa at hindi na nila kailanganing dumayo pa sa mga riles.
Ayon sa transport ministry ng Japan, nasa 613 ang bilang ng mga hayop na nasagasaan ng tren noong 2016 na nagdulot ng 30 minuto o higit pang pagka-delay ng biyahe.